Surveys at ‘feng shui’ di dapat batayan sa pagpili ng lider – Bayani
“Ang survey ay hindi dapat maging batayan ng mga botante sa pagpili ng lider ng bansa, lalo na ang feng shui bagamat ito ay nirerespeto namin.”

Ito ang reaksyon ni Bagumbayan Vice Presidential Candidate Bayani “BF” Fernando sa mga prediksyon ng mga eksperto ng Chinese Feng Shui  para sa mga kumakandidato presidente at bise presidente ngayong darating na halalan.

Kamakailan ay ipinagdiwang ng Chinese community ang Chinese new year at ilang mga feng shui experts ay naghayag ng kanilang prediksyon na nalathala sa mga pahayagan.

Ayon sa prediksyon maswerte sina Bagumbayan Presidetial Candidate Richard Gordon at  Bayani, gayundin sina Noynoy Aquino at Mar Roxas samantalang hindi naman masuswerte ang tandem nina Manny Villar-Loren Legarda, Gibo Teodoro-Edu Manzano at dating Pangulong Joseph Estrada-Jejomar Binay.

Bagama’t maganda ang prediksyon sa kanilang tambalang Gordon-Bayani, paliwanag ni dating MMDA Chairman BF ay hindi ito dapat maging basehan sa pagboto kundi ang track record pa rin at buong pagkatao ng kandidato.

Ayun sa prediksyon napaka swerte ngayong 2010 ni Senador Gordon na pinanganak sa Year of the Rooster at may magagandang oportunidad naman ang naghihintay ngayong taon kay Bayani na pinanganak naman sa Year of the Dog.

Dagdag ni Bayani ang mga pilitikong naglalabas ng mga press release na ito ay nanliligaw lamang sa Chinese community at inililigaw ang mga Pilipino para lamang makakuha ng boto.

“Nasa kultura ng iba nating kababayan ang maniwala sa mga pamahiin, sa hula o maging sa tsismis o bulung-bulungan. At sa maraming pagkakataon ay nagpapaapekto tayo sa mga ito sa ating pagdedesisyon. Sana sa pagpili natin ng lider sa Mayo ay maging matalino na tayo at huwag magpadala sa mga surveys o hula,” diin ni Bayani.

 

(People's Tonight, Feb 17, 2010, P.2)